Oh Yolanda!

Hindi ako masyado nakapanood ng balita noong kasagsagan ng bagyong Yolanda dahil sa mga shoot para sa aking istorya programa. Pero dahil nabasa ko naman bawat balita, alam kong napakalas ng bagyong ito. Medyo lumuwag ang aking pakiramdam ng malaman kong hindi ito masyado tumama sa Bicol dahil naroon ang aking pamilya.

Pero ngayong pinapanood ko bawat news file at report noong humahagupit ito, napapaiyak ako sa mga nakikita ko. Ang saklap, sukdulan ang hagupit ni Yolanda…para bang psycho na nagwawala sa daan at sasaksakin lahat ng masasapitan. Hindi lang iyak dahil sa awa sa mga kababayan nating lubhang nasalanta ang aking nararamdaman kundi iyak ng paghahangad na sana sa munting paraan ay madamayan ko sila sa paghihinagpis.

Nakakakilabot ang pigura ng bilang ng mga bangkay na lumalabas sa mga social networking sites. Maiintindihang dahil sa mga communication malfunction na dulot pa rin ni Yolanda, ay mahirap maabot at matanto ang katotohanan sa likod nito. Pero isa ang maliwanag… hindi lang mga puno at imprastraktura ang nasalanta kundi maraming kababayan natin ang binawian ng buhay dahil sa lupit ni Yolanda. Mahirap man tanggapin pero ito’y katotohanan. Base na rin sa napanood kong mga actual video noong kasagsagan ng pagtama ni Yolanda sa Kabisayaan, lubhang nakapanlulumo ang hitsura ng bawat lugar pagkatapos mangwasiwas ng hangin ni Yolanda.

Masakit sa kalooban makakita ng mga ganitong sitwasyon, mas lalo na siguro marahil iyong mga taong nandoon mismo sa lugar na hinagupit ng bagyo. Sa ngayon, mga sirang bahay, mga pinalipad na kotse, mga nabunot at nabaling mga puno at mga walang kalaban-labang mga bangkay ang sa kabi-kabilang parte ng mga lugar sa malaking bahagi ng Leyte, Samar at iba pang lugar sa Visayas ang nabibilang sa mga nabiktima ni Yolanda.

Tulad ng iba, ako’y nananalangin para sa kabutihan at kapakanan ng ating mga kababayang nabiktima ni Yolanda. Higit kong hinihiling ang pagraos sa dilubyong ating naranasan. Para saan ba’t tayo’y naging Pinoy hindi ba? Pero higit sa lahat ako’y nagsusumamo na, marahil katulad ng ilan diyan, sana magkaroon na rin ako, ang aking pamilya, ng balita sa aking tiyuhin at pinsan kasama na ng kaniyang pamilya na taga Tacloban at Palo, Leyte.

xxx